Rakenrol, OPM at ang Digital Age

Higit mga dalawang taon na din mula nung makapagsulat ako ng huling blog, na ipinost ko pa sa blog-website na posterous, na matagal na din palang nawala nung sinubukan ko yung hanapin. Tungkol yun sa kantang Facebook Song. Sayang at di na mahagilap sa net yung post na yun.

Nakakamiss din pala talaga magsulat ng kung anong maisip mo. Narealize ko na lang bigla na kailangan ko ng magmaintain ng blog para sa aking pagmumuni muni. Me bumabagabag ngayon sa aking saloobin, at ito ay tungkol sa rock scene natin ngayon, or even yung opm in general.

Una sa lahat, naaalala ko pa, apat na taon na din pala ang nakalipas mula nung narekord namin yung una naming album. Ambilis nga naman ng panahon. Andami ng nangyari. Kasabay ng mga taong nakalipas yung paglakas ng social media, at pagbulusok ng digital age. Nauso ang torrents, at kung anu ano pang ‘iligal’ na paraan ng pagdadownload ng materials gaya ng kanta at videos. Sobrang lawak na ngayon ng information gateway sa internet. Nakakalula. Pero kasunod nito ang isang nakakalungkot na katotohanan. ‘Di na masyado mabenta ang mga CDs dahil sa piracy. Sinasabi ko ito dahil direkta kaming naapektuhan ng pangyayaring ito, base na rin sa overall sales nung album namin. Hindi ko sinasabi ito dahil mukha akong pera, nakakaalarma lang itong pagbabagong ito ng trend pagdating sa pag-access ng musika. Mas pinipili na ng mga maraming nakikinig ngayon na i-download na lang ang mga kanta ng libre sa internet kesa gumastos ng 250 pesos para sa isang bagong CD. Kesa naman sa gumastos e, mas okey ng kunin yung mga kantang nilalabas ngayon sa net. Makakalibre ka na, madali pa syang gawin basta me computer ka, hindi mo na kailangang magpunta sa stores para bumili ng CD.

Hindi natin ito kontrolado. Mainis man o madismaya ang mga artists, indie man o under ng label, wala na tayong magagawa kundi ang tanggapin ito. Kasabay ng pagbabagong ito ang isang napakalaking transition. Since internet age ngayon, nakahanap ang ibang mga artists ng avenue para maparating ang kanilang musical expression. Naging instant success dito ang Fliptop battles. Lumabas din ang Tower of Doom Sessions, na nakapagdocument ng live performances ng maraming banda. Yung mga nag-cocover ng songs gaya Donnalyn Bartolome nagkapangalan dahil sa youtube. Sama mo na rin si Jireh Lim.

Dahil dito ay nagdesisyon na rin ang mga record labels na i-market ang mga kanta ng kanilang artists sa internet sites tulad ng mymusicstore.ph at pati na rin sa iTunes. Sadya nga talagang ‘di maiiwasan ang pagbabago. Kailangan maki-adapt sa sistema. Hindi ko nga lang alam kung malakas ito (monetary).

Subalit, datapwat, ngunit… isa ring malaking pagbabago ang nagaganap sa musical landscape ng Pilipinas, at kasama na dito nagbabanda. Ang pagbabagong ito ay napaka-obvious, at halatang halata. May mga nagtatanong sa akin minsan kung “buhay pa ba ang eksena ngayon?” o “kumusta ang mga banda?” at ang natatanging sagot dyan ay meron, pero hindi na sya kagaya ng dati.

Madami ng nagsarang bars. Nangyayari naman talaga yun, na may mga nagsasarang mga bar, dahil siguro sa lokasyon o mahal ng upa rito. Ang nakakagulat lang, ang mga bars na bigla na lang nagsara ngayon dito sa Metro Manila e nakatatak na. Freedom Bar at Sazi’s Bar (dating Mayric’s, kakabukas lang ng bagong Sazi’s bar sa Malate) ang pinaka-notable sa kanila. Yung mga bar na yan dati, napupuno. Ang mga natirang kilalang bar na nagpupunan na lang ngayon ng tugtugan e saGuijo, 70’s Bistro, pati na BKB, at may mga bagong bukas na din tulad ng Mang Rudy’s. Kaso parang may kulang.

Noong taong 2010, nawala ang kilalang rock station na NU107. Marami ang nagulat, at nalungkot, kasama na ako. Aminin man natin o hindi, isa itong malaking kawalan. Sa ngayon kasi, karamihan ng mga radio stations e pare-pareho na ang format, at ang target audience. “Masa”. Walang masama sa ganitong format, at nirerespeto ko sila (bilang kami din ay napapatugtog minsan), pero sa ngayon kasi, kulang sa variety at specific na target audience ang mga radyo ngayon. Hindi naman kasi lahat nakikinig ng Miley Cyrus, at ng Pusong Bato. Hindi rin lahat ng Pinoy e kumakagat sa mga corny jokes na napapakinggan sa radyo.

Kahit naman papaano may variety pa din ngayon ang radio airwaves. May nagpapatugtog pa rin ng rock, classical, jazz, blues, at international pop. May nagpapatugtog pa rin naman ng OPM, at mga banda dito sa Pilipinas, kaso…parang kulang pa din talaga.

Yun ang paulit-ulit kong tinatanong. Ano nga ba? Kinulang na ba sa suporta ang rock scene dito sa Pilipinas? sa promotion? sa mga venues para makatugtog? Malakas naman ang events ng Tanduay 5 at Red Horse. Bakit parang hindi pa rin sapat?

Noong golden age ng rock and roll (early to late 90’s), napakalakas ng mga banda. Madalas silang napapakinggan sa radyo. Napakasuwerte ng henerasyon na namulat at naging parte ng kasaysayang yon. Kahit nung mga early 2000 malakas pa ang suporta sa mga banda, dahil naging parte na ito ng ‘trend’. Kahit hindi sociologist o pop culture expert e mapapatunayang buhay na buhay pa ang eksena nung mga panahong yon.

Heto ngayon ang sitwasyon: Ewan ko lang kung marami ang nakakapansin pero sa tingin ko ay hindi na nakikilala yung mga bagong talents ngayon especially sa rock scene. Parang sa tingin ko tuloy mga ilang taga subaybay na lang ng rock scene at kapwa musikero ang nakakakilala sa kanila. It was as if nag-regress yung public exposure ng mga banda dito sa Pilipinas. At maraming naglalaro sa aking kung bakit.

Baka naman nagkaroon na ng selective memory ang mga Pinoy sa musika at nag-decide na kalimutan na yung mga bagong banda after 2010? Or baka di na sila maka-relate sa bagong hipster sounding bands ngayon? O kaya naman ayaw na mag mainstream ng mga bagong banda dahil baduy? (Side comment: Parang di ata akma na ang isang banda ay “ayaw” o hindi pabor sa pagmemainstream. Ano pa silbi mong nagbanda kung ang gusto mo lang makarinig ng tugtugan nyo e yung kapitbahay mo?) Or kinulang lang talaga ng effort yung mga bagong banda para i-promote yung sarili nila? O kaya na-hook na ang mga Pinoy sa Koreanovela kaya mas gusto na lang nila ng K-pop kasi mas masarap pakinggan sa tenga yung recording kahit na hindi maintindihan yung content? (Hindi ako against sa Kpop, actually may magaganda silang naproproduce na kanta). O baka naman kasi mas tumaas na ang standard ng mga Pinoy pagdating sa musika dahil napakinggan na nila halos lahat ng klase ng tunog at iniisip nila na wala ng bago sa eksena natin? Or ang sentro na talaga ng magagaling na banda ngayon ay sa Cebu City at hindi na sa Maynila?

Madaming dahilan, pero sa tingin ko mas kailangan natin ngayon ng paraan, para sumigla ang eksenang minahal na ng mga Pilipinong mahilig sa ‘di pangkaraniwang tugtugan. Hanggang dito na muna siguro ang gusto kong sabihin.

Advertisements

2 Comments

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s